Tag: party program

  • Ang Programa ng Partido, 1948

    Ang Programa ng Partido, 1948

    Partido Komunista ng Italya
    Enero 1921, Livorno

    Ang Partido Komunista Internasyonal ay binubuo ayon sa mga sumusunod na saligang prinsipyo, sa pundasyon ng Partido Komunista ng Italya (seksyon ng Komunista Internasyonal) sa Livorno ng 1921:

    1. Sa ilalim ng panlipunang rehimen ng kapital, humihinog ang tunggalian sa pagitan ng mga pwersa ng produksyon at mga relasyon sa produksyon, na siyang nagbubunga ng mga salungat na interes at tunggalian ng uri sa pagitan ng proletaryado at naghaharing burgesya.

    2. Ang mga relasyon sa produksyon ng kasalukuyan ay protektado ng kapangyarihan ng burgesyang Estado: kahit ano pang porma ng sistemang representatibo at pagsasagawa ng demokratikong halalan, ang burgesyang Estado ay nananatili at mananatiling instrumento upang depensahan ang mga interes ng uring-kapitalista.

    3. Hindi maaring durugin o baguhin ng proletaryado ang sistema ng kapitalistang relasyon sa produksyon na walang habas na nanamantala sa kanila nang hindi binubuwag sa marahas na pamamaraan ang kapangyarihan ng burgesya.

    4. Ang indispensableng organo ng rebolusyonaryong pakikibaka ng proletaryado ay ang makauring partido. Ang Partido Komunista, binubuo ng pinaka-abante at matatag na taliba ng proletaryado, ay binibigkis ang kasikapan ng masang manggagawa at inaangat ang kanilang laban mula sa mga partikular na interes at agarang pagkapanalo patungo sa malawakang tunggalian para sa rebolusyonaryong pagpapalaya ng proletaryado. Ang partido ay responsable sa pagpapalaganap ng rebolusyonaryong teorya sa masang manggagawa, pag-oorganisa ng paraan ng pagkilos, at pangunguna sa uring manggagawa sa direksyon ng pakikibaka sa pamamagitan ng pagsisiguro ng makasaysayang pagpapatuloy at internasyonal na kaisahan ng kilusan.

    5. Matapos pabagsakin ang kapitalistang kapangyarihan, ang proletaryado ay dapat na tuluyang wasakin ang lumang aparato ng Estado, upang mai-organisa ang sarili bilang pangunahing uri at iluklok ang sariling diktatura: ibig sabihin ay ipagkakait nito ang lahat ng karapatan sa uring-burgesya at mga indibidwal na napakaloob dito hangga’t sila ay patuloy na umiiral sa lipunan, at itatatag ang mga organo ng bagong rehimen sa kapangyarihan ng uring-manggagawa lamang. Ang programatikong katangian ng Partido Komunista ay nakabatay sa saligang tagumpay na ito, siyang ekslusibo at tanging kumakatawan, nag-oorganisa, at namamahala sa diktadurang proletaryo.

    6. Sa pamamagitan lamang ng pwersa magagawang sistematikong makialam ng proletaryong Estado sa panlipunang ekonomiya, at magpatupad ng mga hakbang kung saan ang kolektibong pamamahala ng produksyon at distribusyon ang hahalili sa kapitalistang sistema.

    7. Ang transpormasyon ng ekonomiya at kabuuan ng buhay-panlipunan ay unti-unting liligwak sa pangangailangan ng Estado, na ang makinarya ay unti-unting magbibigay daan tungo sa rasyonal na administrasyon ng aktibidad ng sangkatauhan.

    Partido Komunista Internasyonal
    Mayo 1948

    Ukol sa kapitalistang mundo at kilusang manggagawa pagtapos ng Ikalawang Pandaigdigang Digmaan, ang posisyon ng Partido ay nakabatay sa mga sumusunod na punto:

    8. Sa unang kalahati ng ika-20 siglo, umusbong ang mga monopolistikong samahan ng mga negosyante sa kapitalistang ekonomiya. Nagkaroon ng mga pagtangkang kontrolin at pangasiwaan ang produksyon at kalakalan gamit ang sentralisadong pagpaplano, hanggang sa pamamahala ng Estado nang buo sa ilang sektor ng produksyon. Sa larangang pampulitika, patuloy na lumalakas ang kapulisan at hukbong sandatahan ng Estado at ng totalitaryanistang paggu-gubyerno. Wala sa mga nabanggit ang bagong tipo ng panlipunang organisasyon na kinakatawan ang nagbabagong-anyo ng kapitalismo pa-transisyon tungong sosyalismo, at hindi rin sila mga lumang porma ng organisasyon mula sa mga lumang sistema bago umusbong ang burgesyang Estado. Samakatuwid, sila ay mga partikular na porma ng mas lalong direkta at eksklusibong pangangasiwa ng mga pinaka-abanteng pwersa ng kapital sa kapangyarihan at sa Estado.

    9. Ipinakita ng imperyalistang digmaan na ang krisis ng pagkakawatak-watak ng kapitalistang orden ay tinitiyak ng mapagpasyang pag-usbong ng isang yugto kung saan ang pagpapalawak nito ay hindi na nangangahulugang may tuloy-tuloy na pagyabong ng mga pwersa ng produksyon, kundi paghalili sa akumulasyon at pagkawasak. Ang mga digmaan na ito ang nagdulot ng malalim na krisis sa mga organsisasyong pang-internasyonal ng mga manggagawa, habang ang naghaharing-uri ay naipataw ang kamalayang militar at pambansang solidaridad sa kanila nang ganoon ay linyahan nila ang mga prente ng digmaan laban sa kanilang kapwa-manggagawa. Tanging ang papasiklab ng makauring tunggalian sa loob ng sariling mga bansa ang istorikal na alternatibang pwedeng imungkahi, na siyang mamumunga sa gera-sibil ng masang manggagawa upang ibagsak ang kapangyarihan ng burgesyang Estado, saan mang lupalop ng mundo, at damay ang kanilang mga pandaigdigang koalisyon. Ang hindi maaaring mawalang kondisyon sa pagtupad nito ay naka-angkla sa muling pagbubuo ng Partido Komunista Internasyonal bilang isang independyenteng pwersang rumaragasa nang malaya sa anumang umiiral na kapangyarihang pampulitika o militar.

    10. Ang aparato ng proletaryadong Estado, hangga’t ito ay instrumento at armas ng pakikibaka sa isang transisyunal na panahon sa pagitan ng dalawang panlipunang sistema, ay hindi humuhugot ng lakas mula sa anumang umiiral na kanon ng mga konstitusyon o mga iskema na naglalayong kumatawan sa lahat ng uri. Ang pinakaganap na istorikal na halimbawa ay ang mga Sobyeto (konseho ng manggagawa) ng Rebolusyong Oktubre noong 1917, kung saan nag-armas ang uring-manggagawa sa ilalim ng liderato ng Partido Bolshevik, nang naganap ang pag-agaw ng kapangyarihan sa isang totalitaryadong pamamaraan at ang Constituent Assembly ay nagkawatak-watak, at naganap ang tunggalian para sugpuin ang mga nandidigmang dayuhang burgis na gobyerno, tuluyang puksain ang panloob na paghihimagsik ng mga natalong uri, at mga petiburges at oportunistang partido – silang mga tiyak na alyado ng kontra-rebolusyon sa mga mapagpasyang sandali.

    11. Ang ganap na tagumpay ng sosyalismo ay hindi mawawari sa mga hangganan ng isang bansa lamang at ang sosyalistang transpormasyon ay hindi maaaring maisagawa nang walang pagkabigo at panandaliang pag-urong. Ang depensa ng rehimeng proletaryo laban sa panganib ng pagkabulok ay matitiyak lamang sa patuloy na pag-uugnay ng internasyonal na pakikibakka ng uring manggagawa ng bawat bansa laban sa kanilang burgesya, Estado, at mga aparatong militar nito, at hindi maaaring huminto kahit sa panahon ng digmaan. Ang kinakailangang koordinasyon na ito ay masisiguro lamang kung ang Pandaigdigang Partido ng Komunismo ang nagmamaheno sa politika at programa ng mga Estado kung saan ang uring manggagawa ay nakamit na ang kapangyarihan.


    Halaw mula sa: