Category: Uncategorized

  • Sa Janitzio, ang kamatayan ay hindi nakakatakot

    Sa Janitzio, ang kamatayan ay hindi nakakatakot

    Il Programma Comunista 23, December 1961
    Ni Amadeo Bordiga

    Sa Mehiko, sa lawang nangangalang “Patzcuaro”, may maliit na islang tinatawag na Janitzio. Sa 2,350-metro pababa sa kapatagan ng dagat ay may nakamamanghang tanawin ang sasalubong sa mga bisita nito: tahimik na agos ng tubig, bundok, paliku-likong dalisdis, at langit na para bang mahahaplos gamit ang iyong mga daliri. Nangunguna sa mga mapagmalaking lahi, ang Tarascano ay nakipaglaban sa mga Espanyol na mananakop. Sila ay nagapi at tinanggap ang Kristiyanong pananampalataya ng mananakop, ngunit ang mga santo na kanilang ginagalang ay may katangian pa rin ng diyos ng kanilang mga ninuno: ang araw, ang tubig, ang apoy, at ang buwan. Ang mga Tarascano rin ay bihasa sa pagkukulti, pag-ukit ng kahoy, pagpanday ng pilak, at pagtatahi ng lana. Sila rin ay magagaling na mangingisda. Kapag binabato nila ang kanilang lambat (mga lambat na maiihalintulad sa malalaking paru-paro), sila ay maraming nahuhuling isda. Kahit sila ay masisipag na manggagawa ngayon, ang mga Tarascano ay nanatiling primitibo. Kinukunsidera nila ang buhay na isang “transitional” na estado, isang maikling sandali na ating dadaanan upang makamit ang basbas ng kamatayan. Ang kamatayan ay hindi nangangahulugang masamang kapalaran kundi isang kabutihan, isang natatanging kabutihan na hindi mo masusukatan ng halaga. Ito ang dahilan kung bakit ang Araw ng Patay ay hindi isang araw ng pagdadalamhati sa mga nakatira sa Janitzio. Ang pista ay nagsisimula sa madaling-araw. Ang mga tirahan ay puno ng palamuti para sa pista at ang mga imahe ng mga santo ay pinalamutian ng tali at mga papel na bulaklak. Ang kababaihan ay nagluluto ng mga paboritong ulam ng mga pumanaw nilang kaanak upang sila ay masiyahan kapag sila ay bumalik upang makita ang kanilang nabubuhay na kamag-anak.

    Sa sementeryo sa likod ng simbahan, ang mga puntod ay mayroon ding mga palamuti, na kadalasan, ay walang pangalan. Walang inskripsiyon ang mga puntod sa Janitzio! Ngunit hindi binabaon sa limot ang mga namayapa. Ang kalsada mula sa sementeryo patungo sa nayon ay natatakpan ng talulot ng bulaklak para mahanap ng mga yumao ang daan pauwi.

    Ang kababaihan ng Janitzio ay napakaganda tuwing Araw ng Patay. Sinusuklay nila ang kanilang mahabang maitim na tirintas at nagsusuot ng alahas na pilak. Ang kasuotan ay binubuo ng mahabang pulang palda, na may malapad na tupi, at itim na laylayan. Ang burdadong blusa ay naglalaho sa ilalim ng rebozo, na bumabalot sa ulo at balikat, at mula rito ay kadalasang sumisilip ang ulo ng kanilang bagong-silang. Kapag hatinggabi, magkakasamang pumupunta ang kababaihan patungo sa sementeryo at lumuluhod upang magdasal para sa kanilang mga yumao. Kanilang sinisindihan ang mga kandila; ang pinakamalaki ay para sa mga nakatatanda, at ang pinakamaliit naman ay para sa mga lumisan sa “lambak ng mga luha” nang masyadong maaga. Pagkatapos ay kanilang inilulubog ang mga sarili sa pagninilay-nilay, na unti-unti ay nagiging salita. Sa gayon, nagsisimula ang litanya na hindi sa pagpipighati, kundi sa pakikipag-isa ng mga buhay at yumao.

    Habang ang mga kalalakihang naiwan sa nayon ay nagtitipon-tipon upang uminom malapit sa simbahan kung saan may itinayong itim na patungan ng kabaong (catafalque), na inialay para sa mga yumao na wala nang sinumang magdarasal para sa kanila. Umuuwi sila nang bukang-liwayway, habang ang kanilang mga asawa na naglamay nang buong gabi sa sementeryo ay nagtutungo sa Misa, bahagyang natatakpan ng kanilang mga rebozo. Ganito nangyayari ang Araw ng Patay sa Janitzio. Sa mukha ng mga taga-nayon ay walang mababasa na bakas ng pighati kundi ang masayang pagkasabik ng naghihintay sa pagdalaw ng kanilang mga pinakamalalapit at pinakamamahal.

    ***

    Kinuha namin ang kwentong ito sa pambatang komiks sa kaniyang orihinal na porma at pamagat mula Italya. Isa ito sa mga ‘di-mabilang na pagpapaulit-ulit ng Estados Unidos sa kanilang produksyong “pangkultural” na ipinapasa-pasa mula sa mga tabloid at ganoon ring paulit-ulit na sinusuri, nang walang pakialam sa nilalaman ng kwento ang mga manunulat na nagkakalat nito liban sa antas ng epekto ng bawat piyesang kumakalat sa mga mambabasa. Ang pang-ilan na kopyang ito ay hindi man lang pinangarapan ng mas malalim na kahulugang itinatago sa pagkalat nito, liban sa nakagawiang kompormistang pagkukunwari.

    Ang marangal na populasyong Mehikano, na naging Katoliko sa ilalim ng malupit at mapanupil na mananalakay na Espanyol, ay magpapakita na sila ay nanatiling “primitibo” sa kawalan ng pagkatakot at pagkasindak sa kamatayan.

    Ang mga taong ito ay, gayunpaman, mga tagapagmana ng isang kabihasnang noon pa man at hanggang ngayo’y, mula sinaunang komunismo, hindi na naiintindihan ng mga Kristiyano. Ang maputlang indibidwalismo ng makabagong panahon ay maari lamang na magulantang rito, laluna sa kwentong ito kung saan walang lapida ang mga puntod at pinaghahain ng hapunan kahit ang mga patay na wala nang nakatatanda. Sila ang mga tunay na “hindi kilalang yumao,” hindi dahil sa madulas at demagogong retorika [ng Estado], kundi dahil sa makapangyarihang katotohanan ng isang payak na buhay na ukol sa uring-sangkatauhan at para sa buong uring-sangkatauhan. Ito ay buhay na walang hanggan gaya ng kalikasan, at hindi gaya ng hangal na langkay ng mga kaluluwang lagalag sa “kabilang buhay,” at sa halip, dito’y pawang makabuluhan ang danas ng mga patay, ng mga buhay, at ng mga isisilang pa lamang, isang daloy ng kasaysayan kung saan ang pagpapatuloy ng lahi ay hindi pagluluksa, kundi isang malalim na kagalakan sa bawat saglit ng materyal na siklo ng sansinukob.

    Kahit kung ano pa ang kanilang isinasagisag, ang mga kaugalian na ito ay mas marangal pa kaysa sa atin. Halimbawa, ang mga kababaihan na nagpapaganda ng kanilang sarili para sa patay at hindi sa pinakamayayaman ng nabubuhay, tulad sa ating lipunang komersyal, ang imburnal na kinalulubugan natin.

    Kung sa ilalim ng hamak na maskara ng mga santong Katoliko ay patuloy na nabubuhay ang pinakasinaunang anyo ng isang bathala, gaya ng Araw, ipinapaalala nito sa atin ang anumang kaalamang mayroon tayo—na kadalasa’y tahasang baluktot!—tungkol sa kabihasnang Incan na labis na hinangaan ni Marx. Hindi sa ang mga taong ito ay primitibo at mabangis dahil sa pag-aalay ng pinakamagagandang ispesimen ng kanilang kabataan sa bathalang Araw na dinidemanda ang dugo ng tao, ngunit sa halip, ang pamayanang ito, maringal at may makapangyarihang intuwisyon, ay nakilala ang daloy ng buhay mula sa mismong enerhiyang iyon na pinalalaganap ng Araw sa planeta at dumadaloy sa mga ugat ng bawat buhay na tao, ang enerhiyang siyang nagiging pagkakaisa at pag-ibig sa kabuuan ng uri, at hangga’t hindi pa ito nahuhulog sa pamahiin ng isang indibidwal na kaluluwa, kalakip ang mapagpaimbabaw na listahan ng utang-at-bayad nito, ang super-estruktura ng pagkaganid sa salapi, ang ganitong pamayanan ay hindi natatakot sa kamatayan at kinikilala ang personal na kamatayan na walang iba kundi himno ng kagalakan at mabungang ambag sa patuloy na buhay ng sangkatauhan.

    Sa natural at primitibong komunismo, kahit pa ang sangkatauhan ay nauunawaan pa lamang sa mga hangganan ng madla, ang indibidwal ay hindi nagbabaka-sakaling umagaw ng yaman mula sa kanyang kapatid, sa halip ay bukas na ialay ang sarili nang walang bahagyang alinlangan para sa pagkaligtas ng dakilang kapatiran [phratry; tribo]. Ang mangmang na karunungang-kumbensyonal ay nakikita ito bilang lagim ng isang Diyos na dapat payapain sa pamamagitan ng dugo.

    Sa anyo ng palitan, ng salapi, at ng uri [class], ang kamalayan ng uri [species] sa walang-hanggang pagpapatuloy ay naglalaho, at ang anumang kadusta-dusta sa patuloy na pag-iral [perennità] ng pribadong pag-aari ay lalong tumitindi. Naisasalin ito sa imortalidad ng kaluluwa na nakikipagkasundo para sa kaligayahan sa labas ng kalikasan kasama ang isang usurerong-diyos na siyang nagpapatakbo ng imbing bangkong ito. Sa mga lipunang ito na may pagkukunwaring mataas na mula sa kabarbaruhan tungo sa sibilisasyon, tayo ay namumuhay sa lagim ng personal na kamatayan at nagpapatirapa sa harap ng mga bangkay, gaya ng mausoleum sa Moscow, na taglay ang kasumpa-sumpa nitong kasaysayan.

    Sa komunismo, na hindi pa nangyayari ngunit nananatiling siyentipikong katiyakan, ang pagkakakilanlan ng indibidwal at ng kanyang kapalaran sa kanyang uri [species] ay muling nakakamtan, matapos mawasak sa kaibuturan nito ang lahat ng limitasyong dulot ng pamilya, lahi, at bansa. Tinatapos ng tagumpay na ito ang lahat ng takot sa indibidwal na kamatayan, at kasama nito ang bawat kulto ng mga buhay at ng mga patay. Sa unang pagkakataon, ang lipunan ay isinasaayos ayon sa kalusugan at kagalakan, at sa pagbabawas ng dalamhati, pagdurusa, at sakripisyo sa rasyonal na pinakamababang antas ng mga ito, nang sa gayon, nawawala ang bawat mahiwaga at malagim na katangian mula sa maayos na daloy ng pagpapalit-palit ng mga henerasyon, isang likas na kondisyon ng kasaganaan ng uring-sangkatauhan.